Tila naka-relate ang Kapamilya star na si Darren Espanto sa naging sitwasyon ng “EXpecial” couple na sina Gena at Maku sa kanilang naging pagbisita sa “EXpecially For You” ng “It’s Showtime” nitong Martes.

Dito, ibinahagi ng ex-couple ang maikling kuwento ng kanilang love story kung saan, ang kakambal ng searchee na si Gena ang tila naging daan para makilala niya si Maku.

Kuwento ng ex-couple, laking gulat ng kapatid ni Gena na best friend naman ni Maku na may nabubuo ng pagtitinginan sa kanilang dalawa.

“Nagulat siya Meme nung nalaman niya,” sambit ni Maku. “Nagulat siya pero andon pa rin ang pag-aalinlangan,” dagdag nito ng tanungin kung nagalit ba ang kaniyang bestfriend.

Dahil dito, naitanong ng “Showtime” host kay Darren kung gaya ni Maku at kapatid ni Gena, papayagan rin ba niya na ligawan ng kaniyang best friend ang kaniyang kapatid na si Lynelle.

“Hindi ko rin alam kasi depende ‘yan e, sa sitwasyon naman. Parang hindi rin ako papayag agad,” ani Darren.

Naniniwala rin si Darren na gaya ng kapatid ni Gena, magkakaroon rin siya ng pag-aalinlangan kung mangyayari ito sa kaniya.

“Kasi ‘di ba, dapat sister mo rin iyon?” ani Vice. “Ganun ‘yung relationship dapat e’,” na sinang-ayunan naman ni Darren.