Bong Revilla (center) gets to work again with Jillian Ward (left) and Beauty Gonzalez (right) in the third season of the action-comedy series Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis.
Natuloy rin ang pagsasamang muli nina Senator Bong Revilla at Jillian Ward.
Hindi sa pelikula, kundi sa Season 3 ng action-comedy series na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, na magsisimulang umere sa GMA-7 sa December 22, 2024.
Pero base sa trailer, mukhang hindi sa buong Season 3 mapapanood si Jillian.
“Panoorin na lang,” nangiting sagot ni Bong nang tanungin kung kailan papasok ang karakter ni Jillian.
“Siguradong hahanapan ng follow-up. Kaya ayoko munang i-reveal.
“Mahaba ang magiging involvement niya, so basta abangan niyo. Panoorin ninyo and sure na maiibigan niyo sa istorya.”
Sinabi rin ni Bong na may plano pa ring magkatrabaho sila ni Jillian sa pelikula bukod sa sitcom.
Unang nagkasama sina Bong at Jillian sa mga pelikulang Si Agimat at si Enteng Kabisote (2010) at Si Agimat, si Enteng Kabisote at si Ako (2012), at sa Kapuso infotainment show na Kap’s Amazing Stories (2012-2014).
Humarap si Bong at ang ibang cast ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis sa mediacon na ginanap sa Novotel Hotel noong December 14, 2024.
THIRD TIME WITH BEAUTY
Sa isang banda, tatlong seasons nang magkasama sina Bong at Beauty Gonzalez, na gumaganap bilang mag-asawa sa Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis.
Proud na inilarawan ni Bong ang development ng karakter ni Beauty sa Season 3 ng kanilang show.
“Basta yung ine-expect niyo, itong character ni Beauty na talagang pagiging alpha. Talagang matapang na asawa, hindi mawawala yon kasi, siya yon.
“Kapag sumigaw na ng ‘Tolome!’ yan, para na siyang nasapian.
“At kapag sinigawan na ako ng ‘Tolome!’ para na akong nauubos.”
Dagdag niya, “Pagkasiga niya, pagkatapang, hindi mawawala.
“But, yung lambing ni Gloria. Naasapian lang pero may lambing.”
ON SKIPPING MMFF 2024
Panahon ngayon ng Metro Manila Film Festival (MMFF), at dati-rati ay isa si Bong sa hindi nawawalan ng pelikulang lumalahok sa December filmfest.
Hindi ba niya nami-miss?
Sagot ni Bong, “Actually, talagang miss na miss ko na. Gusto kong gumawa sana.
“Ngayon, 50th anniversary ng Metro Manila Film Festival. Dapat may entry ako riyan.
“Usually every year, may kasama tayong pelikula. Dapat yung entry ko nga, yung Alyas Pogi.
“Yun nga lang, nagkaroon ng aksidente. Naputulan ako ng achilles tendon, but luckily, I was able to recover ng ganitong kabilis.
“Pero, kung gagawin ang Alyas Pogi, hindi pa rin aabot sa MMFF.
“Kaya napakasuwerte ko rin na nakagawa ako ng Walang Matigas Na Pulis sa Matinik na Misis.”
Natigil ang sinisimulan na sana niyang shooting ng Alyas Pogi, dahil noong unang buwan ng taong 2024 ay naaksidente siya at kinailangang ipahinga niya ang paa ng ilang buwan.
Pero sa trailer ng Walang Matigas na Pulis, todo pa rin ang action stunts na ginawa niya.
Sabi ni Bong, “Nakita niyo naman, nakakatalon ako, nakakatayo ako, nakakatakbo ako. Kung ano ang kailangan ipagawa sa akin ng director, nagagawa ko.
“Yun nga, parang feeling nila, ‘O, baka madisgrasya na naman.’ Lahat ninenerbiyos.
“May isang eksena nga na nandun ako sa ibabaw, biglang nahulog ako sa sasakyan. Lahat sila, tahimik. Pero sabi ko, I’m okay.
“Mula noong binigyan ako ng go signal ng doctor ko na ‘you can do anything, kaya mo yan,’ nagagawa ko lahat.”
Dugtong pa niiya “Wala akong takot. It’s all in the mind.
“Akala ko noon, katapusan na ng career ko. Pero binigyan pa rin ako ng pagkakataon ng Diyos na makagawa ng magagandang proyekto na tulad nito at marami pa.”