Angel, wala sa bokabularyo ang comeback
Bakit sinasabi nilang hindi makakabalik sa GMA 7 si Angel Locsin kung saan siya unang sumikat dahil kay Marian Rivera?
Haharangin ba ni Marian ang posibleng pagbabalik ni Angel Locsin? Hindi naman kami naniniwalang gagawin niya iyon at hindi naman niya magagawa dahil hindi naman siya ang may-ari o kasosyo man lang sa network.
Diumano’y wala pang balak na mag-comeback si Angel at ‘yun lang ‘yun, wala nang iba pa.
Richard, may pa-concert in the car
Natiyempuhan namin noong isang umaga si Richard Reynoso, habang papunta sa office nila ng MTRCB sa Quezon City na parang inaaliw ang sarili habang nagmamaneho sa matinding traffic at matindi ring init ng araw.
Nagpapatugtog siya ng minus one at kumakanta. Akala mo may concert siya sa kotse niya.
Hindi naman masasabing naisip niyang kumanta para umulan at lumamig-lamig ang panahon pero sabi nga niya kailangan naman niyang mag-vocalize talaga so para hindi na siya makunsumi sa traffic at sobrang init, nagla-live concert nalang siya sa kotse niya.
Actually maaaring maging negosyo rin iyan. Maaari siyang humanap ng sponsors sa kanyang “concert in the car” at palagay namin may mga papasok naman sa halip na ang commercials nila ay nalalagay lamang sa mga walang kakuwenta-kuwentang mga vlog, na pinagmumulan pa ng fake news.
Ate Vi, gustong harangin sa National Artist
May nag-post sa isang grupo sa social media na sinasabing sila ay supporters ng best actress in five continents pero hindi naman nila sinasabi kung anu-anong mga continent iyon.
May isang kasapi ng grupong iyon ang nagmamalaking siya raw ay may pribilehiyo na silipin sa NCCA kung sinu-sino ang nominated para maging national artists. Pinagtatawanan niya ang pagsusumite ng nominations para kay Vilma Santos ng followers noon tapos may sinabi siyang “tuloy lang ang laban, haharangin natin iyan at kaya natin.”
Kung papaano niya gagawin ang pagharang ay hindi niya sinabi.
Inuulit ko, alam ko na wala sa isipan ni Ate Vi ang national artist award.
IMAGINE nakamit na niya ang Lingkod Bayan award, ang pinakamataas na karangalang maipagkakaloob ng presidente ng Pilipinas sa isang civilian citizen.
Cedric, ‘di nawawalan ng pag-asa
Sumuko na si Cedric Lee sa NBI matapos na palabasin ng RTC ang hatol na guilty sila sa illegal detention for ransom na isinampa laban sa kanila ni Vhong Navarro.
Sinabi niyang kumikilos na rin ang kanyang legal counsel upang iapela ang desisyon ng RTC sa Court of Appeals. Ibig sabihin hindi na siya hihingi sa RTC ng motion for reconsideration at iaakyat na niya agad ang kaso sa mas mataas na hukuman.
Kung ganoon ang kanyang gagawin, ganoon din ang mangyayari sa kanyang co-accused na si Deniece Cornejo.
Habang humaharap sila sa apela maaaring hingin nila sa mas mataas na hukuman na bigyan sila ng karapatang maglagak ng piyansa na kinansela na ng RTC matapos na sila ay hatulang guilty.