LJ Reyes recalls the most difficult scene she shot for Pinulot Ka Lang Sa Lupa.
Nilinaw ni LJ Reyes na hindi na-cut short o pinutol ang Pinulot Ka Lang Sa Lupa; ieere ang final episode nito ngayong Miyerkules, April 12.
“Kasi siyempre galing siya sa isang movie so as far as I know meron talagang agreement iyon, contract na ganito lang siya tapos ganito lang yung running time niya so hindi kami puwedeng lumampas.
“Sa tamang panahon siya natapos, hindi siya kinat-short.”
Nakausap namin si LJ sa last taping day ng Pinulot Ka Lang Sa Lupa nitong Huwebes, April 6, sa Ka Tunying’s Cafe sa Quezon City.
Ang direktor ng show nila na si Gina Alajar ang mami-miss niya sa pagtatapos ng Pinulot Ka Lang Sa Lupa.
“Kasi si Tita Gina masarap katrabaho.
“Isa talaga siyang actor’s director, at maalaga siya sa mga artista niya tapos, e, close ko naman talaga si Tita Gina.
“Simula nung Yagit naging close kami.”
Bilang si Angeli, mami-miss ba niyang saktan si Julie Anne San Jose na gumaganap bilang si Santina sa show?
“Ako nga sinasaktan nila,” at tumawa si LJ. “Nakakailang sampal na ako dito! Ako for me mas gusto ko lahat kami, kapag together kami kasi pag nagte-taping kami, hanggang parang gitna, magkakasama kami.
“Tapos sa kuwento, naghiwa-hiwalay, ako humiwalay ako sa kanila.
“Iba rin kasi yung feeling na magkakasama kayo.”
Ang eksena na hindi makakalimutan si LJ sa show ay ang mga eksenang kasama niya si Jean Garcia (as Diony na ina ni Angeli).
“Kasi may mga eksena kami na kailangang maging scheming ako sa kanya, tapos pag humarap ako sa kabilang kamera ang bait ko, tapos pag harap ko sa kabilang kamera hindi na ako mabait.
“E, isang mahabang take iyon lagi.
“Saka masarap kasing kaeksena si Tita Jean.”
Ang paborito naman niyang linya sa kanilang afternoon series ay ang “Pinulot lang kita sa lupa!”
“Pero lagi kasi sa akin sinasabi iyon, hanggang sa tumatak sa akin iyon.
“So sa isang eksena parang sinabi ko kay Julie na ‘Hinding-hindi na ako pupulutin sa lupa!’
“Pero lagi kasi akong sinasabihan, kahit may eksenang nahulog ako sa hukay, sinabihan pa rin ako na ‘Wala ng pupulot sa iyo sa lupa!’
“Kaya iyon,” at muling tumawa si LJ.
Ano naman ang mabigat na eksena nila ni Julie Anne?
“Feeling ko ang pinakamatindi yung… hindi siya sampal, kasi siya yung nanampal sa akin, isa lang, yung sa isang scene ginawan ko ng kuwento parang pinalabas ko na may nangyari sa amin ni Ephraim [Benjamin Alves].
“Tapos sobrang na-hurt siya, sobrang scheming ng eksenang yun, parang ang saya ko lang, nag-asar lang talaga ko, na parang sabi ko hindi ko na siya kailangang sampalin kasi tagos sa buto yung ginawa ko sa kanya.
”Siguro isa iyon sa pinaka-memorable namin ni Santina.”
Tinanong naman namin si LJ kung kumusta ang panonood nila ni Paolo Contis ng concert ng Coldplay?
Sa Instagram account kasi ni Paolo ay nag-post ito na malamang maiyak ito habang nanonood ng show.
“Ako kaya ang naiyak, hindi siya! Naunahan ko siya. Hahaha!
“Hindi po siya naiyak. Bago mag-concert naiiyak talaga siya, overwhelmed talaga siya kasi gusto talaga namin ang Coldplay.
“Naiyak ako kasi may part kasi dun na gumawa siya ng impromptu song para sa mga Pinoy, para sa Philippines.
“Pagkatapos niya nun, naiiyak ako kasi parang nakakatuwa kasi na-appreciate niya ang mga fans niya sa Philippines, tapos nakita mo sa lahat ng songs nila kung paano nila na-influence yung mga tao.
“Tapos kung paano nila ginagamit yung music nila as tool para magbigay ng love, ng hope sa mga tao,” kuwento pa ni LJ tungkol sa bandang pinangungunahan ng lead vocalist na si Chris Martin.
Regalo raw ni Paolo kay LJ ang Coldplay tickets noong Valentine’s Day.